SACRAMENTO, CA – Mahigit sa 700,000 katao ang nagtatrabaho para magbigay ng mahalagang pangangalagang pangkalusugan sa tahanan o personal na pangangalaga sa mga mas nakatatandang nasa hustong gulang, taong may mga kapansanan o espesyal na pangangailangan sa California at, sa kabila ng kanilang dedikasyon sa mga pangangailangan ng iba, natuklasan ng mga imbestigador ng pederal na pamahalaan ang napakaraming employer sa industriya na mapanlinlang na itinatanggi sa mga masisipag na taong ito ang kanilang buo at nararapat na sahod sa ilalim ng batas. Umaabot ang problema sa mas malawak na industriya ng pangangalagang pangkalusugan kung saan mahigit sa 2,300 imbestigasyon na ginawa ng Dibisyon ng Sahod at Oras ng Departamento ng Paggawa ng U.S. ang nakabawi ng higit sa $37.8 milyon sa mga hindi nababayarang sahod para sa halos 30,000 manggagawa sa buong bansa sa taon ng pananalapi 2024. Tinasa rin ng dibisyon ang mga employer na may higit sa $2.8 milyon na mga multa para sa mga paglabag sa mga pederal na regulasyon sa paggawa.Ilang linggo na lang bago sumapit ang bagong taon ng pananalapi 2025, inaanunsyo ng dibisyon ang pinagsamang pagbawi ng $863,860 sa mga hindi nababayarang sahod at bayad-pinsala para sa 58 manggagawang nagtatrabaho sa apat na provider ng pangangalagang pangresidensyal sa California na tinanggihan ang kanilang minimum na sahod, overtime o pareho, at lumabag sa Batas sa Patas na Mga Pamantayan sa Paggawa. “Huwag magkamali, nangangako ang Departamento ng Paggawa na ipapatigil ang pagsasamantala sa mga manggagawa ng mga employer sa industriya ng pangangalagang pantahanan at pananagutin sila para sa kanilang mga walang prinsipyong gawi sa pagtatrabaho,” ayon sa sinabi ng Direktor ng Distrito na si Cesar Avila ng Dibisyon ng Sahod at Oras sa Sacramento. “Natuklasan ng aming mga imbestigasyon na marami sa mga napinsalang manggagawa sa pangangalaga ay mga kababaihan at mga may mababang sahod, na hindi kayang ipaglaban ang karapatan para makuha ang kanilang buong sahod.”Sa partikular, ginawa ang mga pagbawi pagkatapos ng mga imbestigasyon ng mga sumusunod na employer:Ang Brisbane Guest Home Inc., isang provider ng pangangalagang pantahanan para sa mga taong may mga kapansanan sa pag-unlad na may tatlong lokasyon sa Stockton, ay nabigong bayaran ang mga manggagawa sa kinakailangang bayad sa overtime para sa higit sa 40 oras sa isang linggong trabaho. Nabawi ng dibisyon ang $483,185 sa mga sahod para sa 11 manggagawa at tinasa ang $7,546 sa mga parusa.Ang may-ari ng anim na pasilidad ng pangangalagang pantahanan para sa mga matatanda sa rehiyon ng Sacramento ay hindi nagbayad ng mga overtime na sahod sa 44 na empleyado sa Laguna Village RCFE, Laguna Springs RCFE at Signature Living sa Lavelli Way sa Elk Grove; Havenwood RCFE at Capital Senior Care sa Sacramento; at Signature Living RCFE sa Rancho Cordova. Bilang karagdagan sa pagbawi ng $306,066 sa mga hindi nababayarang sahod at bayad-pinsala para sa mga manggagawa, tinasa ng dibisyon ang $18,326 sa mga parusa.Ang Jackson’s Facilities Inc., isang provider din ng pangangalagang pantahanan para sa mga nasa hustong gulang sa Sacramento, ay nabigong magbayad sa isang empleyado para sa lahat ng oras ng pagtatrabaho, gumawa ng mga ilegal na pagbabawas na hindi tinukoy sa kontrata at tinanggihan ang bayad sa overtime para sa higit sa 40 oras sa isang linggong trabaho. Nabawi ng dibisyon ang $46,623 sa mga hindi nababayarang sahod sa kasong ito.Ang Timeless Homecare Inc., isang provider ng pangangalagang pangkalusugan sa tahanan para sa mga indibidwal na may mga kapansanan na nagpapatakbo bilang Amada Senior Care sa Davis, ay nagbayad ng ilan pero hindi binayaran ang lahat ng bayad sa overtime para sa dalawang empleyado para sa higit sa 40 oras sa isang linggong trabaho. Nabawi ng dibisyon ang $27,986 sa mga sahod at bayad-pinsala at tinasa ang $2,058 sa mga parusa.Bahagi ang mga imbestigasyon na ito ng mas malawak na pagsisikap ng dibisyon na panagutin ang mga lumalabag at magbigay ng tulong at kaalaman sa mga employer, manggagawa at iba pang stakeholder para bigyang kamalayan at maiwasan ang mga paglabag. Para tulungan ang mga employer, nag-aalok ang dibisyon ng maraming mapagkukunan ng tulong sa pagsunod para matiyak ang mga legal na kasanayan sa pagtatrabaho.Matuto nang higit pa tungkol sa Dibisyon ng Sahod at Oras, kabilang ang tool sa paghahanap na gagamitin kung sa tingin mo ay maaaring mayroon pang hindi naibibigay sa iyo na mga hindi nababayarang sahod na kinokolekta ng dibisyon at kung paano maghain ng reklamo. Para sa kumpidensyal na tulong sa pagsunod, maaaring tawagan ng mga manggagawa at employer ang walang bayad na helpline ng ahensya sa 866-4US-WAGE (487-9243), saan man sila nanggagaling. Maaaring makipag-usap ang dibisyon sa mga tumatawag sa higit sa 200 wika.I-download ang Timesheet App ng dibisyon para sa mga iOS at Android device – available sa Ingles at Espanyol – para matiyak na tumpak ang mga oras at bayad.Available rin sa Tagalog ang paglabas ng balita na ito.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *